Nang nagkasala ang Faraon sa Diyos ay humingi siya ng tawad kina Moises at Aaron.
“Dali-daling ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Nagkasala ako sa Panginoon na inyong Diyos, gayundin sa inyo. Patawarin ninyo ako at ipinapakiusap kong ipanalangin ninyo sa Panginoon na alisin na sa akin ang nakamamatay na parusang ito.”(Exodo 10:16-17)
Tulad
ng sinasabi ng ating mga kapatid na mga protestante ay dapat daw na ang
tamang pangungumpisal ay ang direktang pananalangin sa Diyos at hindi
na kailangan pang ikumpisal ito sa mga pari kagaya ng ginagawa nating
mga katoliko.
Sa
kasunod na talata ay maliwanag na mababasa natin kung ano ang ginawa ni
Moises matapos na humingi ng tawad ang Faraon sa kanyang mga kasalanan
at kung mali nga ang ginawa ng Faraon ay sana itinuwid na ito ni
Moises, pero iba ang ginawa ni Moise para sa Faraon.
Ganito ang mababasa natin sa kasunod na mga talata…
“Iniwan ni Moises ang Faraon at siya’y nanalangin. Binago naman ng Panginoon ang takbo ng hangin. Pinaihip niya ang malakas na hangin mula sa kanluran at tinangay nito ang lahat ng balang papunta sa Dagat na Pula; a isa ma’y walang natira sa Egipto.”(Exodo 10:18-19)
At
kung mali naman ang ginawa ni Moises na nalangin siya para sa Faraon ay
hindi rin sana ito pinakinggan ng Diyos, pero maliwanag na pinakinggan
ng Diyos ang panalangin ni Moises para sa Faraon.
Sa
tuwing nangungumpisal tayo sa pari ay nanalangin sila para sa atin para
patawarin tayo ng Diyos dahil sa awtoridad na ibinigay sa kanila ni
Cristo (Juan 20:22-23).
Dapat
kasing maunawaan ng mga kapatid nating mga protestante na hindi lahat
ng klase ng kasalanan ay dapat ipanalangin ng direkta sa Diyos kaya nga
may tinatawag tayong “Mortal Sin” at “Venial Sin”.
Nang
nagkasala si Elifaz at kanyang mga kaibigan sa Diyos ay dapat
idinirekta na sanang ihiningi ni Elifaz ng tawad ang kanyang mga
kasalanan sa Diyos dahil nakaharap ang Dios sa kanya, pero ano ang
nangyari?
“Pagkasabi nito kay Job, si Elifaz na Temaneo naman ang hinarap ng Panginoon Sinabi niya, “Matindi ang galit ko sa iyo at sa dalawa mong kaibigan sapagkat hindi ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin tulad nang ginawa ni Job. Kaya ngayon, kumuha kayo ng pitong toro at pitong tupa. Dalhin ninyo ito kay Job at sunugin bilang handog. Ipapanalangin kayo ni Job. Siya lamang ang papakinggan ko para hindi na kayo pagbayarin sa inyong kahangalan, dahil sa hindi ninyo paglalahad ng buong katotohanan tulad nang ginagawa niya.”(Job 42:7-8)
At bakit matindi ang galit ng Diyos kay Elifaz na Temaneo at sa dalawa niyang kaibigan?
Sapagkat
hindi nila sinabi ang katotohanan at ang katumbas nga niyan ay ang
pagsisinungaling . Para sa ating mga katoliko ang pagsisinungaling o ang
hindi pagsabi ng katotohanan ay isang “Mortal Sin” na dapat ikumpisal
sa pari.
Sa bibliya kasi ay merong dalawang uri ng kasalanan at ito ay may kasalanang di hahantong sa kamatayan at may kasalanang hahantong sa kamatayan.
“Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang di hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa kanya ng bagong buhay. Ito’y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito.”(1 Juan 5:16)
Ang
salitang “mortal” ay nanggaling po sa salitang latin na “mors” na
nangangahulugan ng “death” at ang salitang “venial” naman ay nanggaling
sa salitang latin na “venialis” na nangangahulugan ng “easy pardonable”.
Sa
sitwasyon ng Faraon ay nakagawa siya ng malaking kasalanan sa Diyos
ganun din si Elifaz at kanyang mga kaibigan kaya kailangan nila ang
panalangin ng mga pari ng Diyos upang makamit nila ang pagpapatawad.
Si Moises at Aaron ay mga pari ng Diyos, “Si
Moises at si Aaron, na mga pari niya;at si Samuel nama’y lingkod na sa
kanya ay sumamba;nang si Yahweh’y dalanginan, dininig naman sila.”(Awit
99:6)
Dapat
din maunawaan ng mga kapatid natin na ang pangungumpisal sa pari lalong
lalo na ng mga kapatid nating nagkasala ng mortal ay may malaking
pakinabang.
1. Sa tuwing may nangungumpisal sa pari ay pinapatawad ng Diyos ang anumang pagkakasala nito mortal man o venial (Juan 20:22-23)
2.
Naiintindihan ng mga pari ang kahinaan ng mga nangungumpisal sa kanila
dahil dito ay mabibigyan ng mga pari ng kaukulang payo ang mga
nangungumpisal sa kanila,
“Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. Nadarama niya ang kahinaan ng mga mangmang at ng mga naliligaw ng landas sapagkat siya’y mahina ring tulad nila.”(Hebreo 5:1-2)
3.
Binibigyan ng mga pari ng magandang payo ang mga nangungumpisal lalong
lalo na ang pagsisisi at pagtalikod sa mga ginagawang mortal na
kasalanan.
Si Apostol Pablo ay isang pari (Roma 15:16) at isa sa kanyang mga mensahe para sa mga tao ay ang pagsisisi, “Ipinangaral
kong dapat silang magsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan,
lumapit sa Diyos, at ipakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng
mga gawa.”(Gawa 26:20)
Kaya
kung napapansin natin, bago pa man ginagawa ng pari ang absolusyon o
pagpapawalang-sala sa mga nangungumpisal ay sinasabihan muna ito ng pari
na dapat niya pagsisihan ang kanyang mga nagawang kasalanan.
Ang
pagsisi po kasi ay malaking bagay at daan po patungo sa ating kaligtasan
at ang taong walang pagsisi at hindi ito ipinapakita sa pamamagitan ng
mga gawa ay mapapahamak.
Kaya
nga ginagamit ng Diyos ang mga pari para maging kasangkapan niya sa
pagsunod sa kanyang kalooban at dapat sa kanila sumangguni ang mga tao.
“Tungkulin ng mga pari na ituro ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sila ang dapat sangguniin ng mga tao tungkol sa aking kalooban, sapagkat sila ang mga sugo ng Panginoon na Makapangyarihan sa lahat.”(Malaquias 2:7)
Kung
napapansin din po natin ay marami sa mga nangungumpisal ay ang mga
nagsasama na hindi pa ikinakasal sa simbahan at ito po ay isang mortal
na kasalanan, sa pamamagitan ng pangungumpisal sa pari ay mabibigyan din
sila ng payo na dapat magpakasal upang makatanggap ng basbas ng Diyos.
Katulad
ni Apostol Pablo na isang pari ng Diyos ay binigyan niya ng payo ang
mga taong gustong mag-asawa na dapat magpakasal sa banal na paraan.
“Kalooban ng Diyos na kayo’y magpakabanal at lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan. Dapat maging banal at marangal ang pakikitungo ng bawat isa sa kanyang asawa”(1 Tesalonica 4:3-4)
Kalooban
po kasi ng Diyos na magpakasal ang mga mag-asawa sa banal na paraan at
tungkulin po ito ng mga pari at sila ang dapat sangguniin ng mga tao
tungkol sa mga bagay na ito.
Mahalaga po kasi ang pagsunod sa kalooban ng Diyos.
“Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit.”(Mateo 7:21)
Kaya
malaking bagay po ang pangungumpisal ng ating mga kasalanan sa pari at
sa tuwing nangungumpisal po tayo ay natatamo natin ang pagpapatawad ng
Diyos, binibigyan po tayo ng gabay sa pagsisisi at sinusunod po natin
ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagsangguni natin sa mga pari
dahil ito ay utos ng Diyos.
Kung ang mga kapatid nating mga protestante ay hindi gumagawa nito ay naiintindihan po natin kung bakit.
“Wala pong makakaalam ng iyong kalooban malibang bigyan mo siya ng iyong Karunungan, at lukuban ng iyong banal na espiritung mula sa kaitaasan. Sa ganitong paraan po lamang naaakay mo ang mga tao sa matuwid na landas. Natututunan po namin kung ano ang kalugud-lugod sa iyo, at naliligtas kami sa pamamagitan ng iyong Karunungan.”(Karunungan 9:17-18)
Source: Meron Bang Mababasa sa Bibliya na may taong nangumpisal sa pari dahil nagkasala siya sa Diyos?