Kapatid na Marwil N. Llasos
Dalawa sa mga pangunahing panalangin ng mga Pilipinong Tagalog sa Mahal na Birheng Maria mula pa noong mga sinaunang panahon ay ang Aba, Ginoong Maria at ang Aba po, Santa Mariang Hari. Mula pa sa panahon ng mga Kastila ay inuusal na ng mga Tagalog ang mga nasambit na panalangin sa Ina ng Diyos.
Sa kasalukuyan, marami ang mga tumututol sa mga nakagawiang panalangin. Ayon sa iba, hindi wasto ang pagkasalin sa Tagalog ng mga panalanging ito. Nilalayon ng ilan na dapat diumano’y mas literal ang pagkasalin ng Hail, Mary at Hail, Holy Queen sa wikang Tagalog.
Ang mas maiingay na tumutuligsa sa Aba, Ginoong Maria at Aba po, Santa Mariang Hari ay ang mga pinuno at kaanib ng iba’t ibang sektang pundamentalista sa Pilipinas. Anila: “Bakit tinawag na ‘Ginoo’ si Maria samantalang siya ay babae. Dapat ‘Ginang’ ang tawag sa kaniya.” Ang wika pa ng iba: “Hindi dapat na ‘hari’ ang itawag kay Maria kundi ‘reyna’ sapagkat siya ay babae.”
Mapapansin na karamihan sa mga bumabatikos sa dalawang nakamulatan, nakalakhan at nakagawiang panalangin ng mga Tagalog ay hindi naman mga dalubhasa sa pilolohiya (philology) o dili kaya’y sa lingguistika (linguistics). Ang iba ay namimilosopo lamang at nagdudunung-dunungan. Wala rin silang malalim na alam sa kasaysayan ng wikang Tagalog. Hindi rin nila gamay ang sinauna o makalumang wikang Tagalog (classical Tagalog). Kaya nga, sa mga ganitong mapagpaimbabaw, mapagbalatkayo at mapagmapuring Pariseo ng makabagong panahon natupad ang sulat ng mga Apostol na sina Pedro at Santiago. Anila:
"Datapuwa’t ang mga ito, gaya ng mga kinapal na walang bait, ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at lipulin, na nagsisialipusta sa mga bagay na hindi nila nalalaman ay walang pagsalang lilipulin sila sa kanila ring pagkalipol" (2 Pedro 2:11).
"Datapuwa’t ang mga ito’y nangalipusta sa anomang bagay na hindi nila nalalaman: at sa mga bagay na talagang kanilang nauunawa, ay nangagpakasira na gaya ng mga kinapal na walang bait" (Judas 1:10).
Kalimitan sa mga tumutuligsa sa panalanging Aba, Ginoong Maria at Aba po, Santa Mariang Hari ay mga Protestante na ang pinanggalingang bansa ay ang Estados Unidos. Maliban sa salat sila sa kaalaman sa pinagmulan, pinag-ugatan at paglago ng wikang Tagalog, sila rin ay talaga namang walang pagpaparangal sa Ina ng Diyos. Kahit na kagyat nating alisin ang salitang ‘Ginoo’ o ‘Hari’ patungkol sa Mahal na Birhen, hindi pa rin sila titigil sa kanilang pagtuligsa sa ating mga Katolikong Pilipino sapagkat ang talagang hangarin nila ay tuluyan nating iwaksi ang pagpaparangal sa ating Mahal na Inang Birhen. Iyon po ang lundoy ng usapin.
Maari po nating itanong sa kanila: “Kung sakaling baguhin namin ang Aba, Ginoong Maria at gawin namin itong Aba, Ginang Maria at saka palitan din namin ang Aba po, Santa Mariang Hari ng Aba po, Santa Mariang Reyna, kayo po ba ay magsisimula nang magdasal sa Mahal na Birhen ng mga nasabing panalangin?” Naturalmente ang sagot nila ay tumitiling HINDI! Malinaw na ang pagtuligsa nila ay hindi naman talaga nakatuon sa mga salita ng panalangin kundi doon mismo sa pananalangin at pagpaparangal sa Inang Birhen. Para ano pa kung papalitan natin ang mga salita ng panalangin para lamang mapagbigyan sila yaong hindi rin naman pala sila sasama sa atin sa taimtim na pagdarasal at marubdob na pagpaparangal sa Ina ng Panginoong Hesus? Marahil nga, kung papalitan natin ngayon ang mga salita ng mga panalanging Aba, Ginoong Maria at Aba po, Santa Mariang Hari ay lalabas na nagtagumpay yaong mga lapastangan, tampalasan at nangagduduwahagi sa ating Mahal na Ina.
Nakalulungkot isipin na dahil sa walang-humpay na pagtuligsa sa ating mga Katoliko ay minarapat ng ilan sa Simbahan na pagbigyan ang kagustuhan ng mga hindi kaanib ng Simbahang Katoliko. Ito diumano ay ayon sa diwa ng isinusulong na ekumenismo.
Minsan ay naiulat na nagpulong ang Komisyong Rehiyonal para sa Tagalog sa Liturhiya para pag-aralan ang diumano’y kinakailangang gawin sa pagpapalit sa Tagalog na salin ng Aba, Ginoong Maria. Ito ay alinsunod sa isang lider ng Simbahan na nagsasabi na dapat daw kumilos ang mga Obispo upang mapalitan na ang mga pananalita ng dasal natin sa Mahal na Birhen na Aba, Ginoong Maria sapagka’t si Maria raw ay hindi isang Ginoo kundi isang Ginang.1 Ani ng sumulat:
"Out of respect for the Word of God from which it is addressed by millions of Filipinos day and night, we should rid the prayer of erroneous and superfluous words which add nothing to its meaning or beauty but only serve to distract those who reflect on its verbal content."2
Ang mungkahing ito ay binigyang pansin ng mga kinauukulan sa Simbahan. Ngunit, lumalabas na hindi pala madaling isakatuparan ito. Puna ng The Knight of the Immaculata sa nasabing mungkahi:
"Totoo nga’t ang ating wika ay nagbabago dahil sa ito ay ‘buhay.’ Sa paglipas ng panahon ang kahulugn ng mga salita ay maaaring magbago. Ngunit hindi sapagka’t ito’y napapansin ng ilan ay napapansin na rin ng lahat. Sa mga mabilisang pagsasaliksik sa mga kaisipan at pakiramdam ng mga tao, lumalabas na higit na marami ang hindi sumasang-ayon na palitan ang kasalukuyang mga salita ng “Aba, Ginoong Maria.”"3
Ang may-akda ng sanaysay na ito ay tahasang tumututol at lubos na naninindigan laban sa mungkahing palitan ang mga salita sa Aba, Ginoong Maria at Aba po, Santa Mariang Hari. Una sa lahat, walang sinumang Pilipino ang mag-iisip na si Maria ay lalaki at hindi babae nang dahil lamang sa titik ng mga panalanging nabanggit. Isang kabalintunaang isipin na maliligaw ang mga Pilipino, lalo na ang mga Tagalog, kung literal nilang uunawain ang mga salita sa panalangin. Ito po ay walang batayan sa totoong buhay. Marahil na ang mga kapos lamang sa pag-iisisip o pang-unawa ang makapagsasabing nagkakamali sila sa pag-akalang si Maria ay lalaki at hindi babae dahil lamang sa mga panalanging nakagisnan at nakalakhan na nilang usalin.
Ang Aba, Ginoong Maria ay unang nalathala sa Doctrina Christiana4 na nalimbag noong taong 1593. Ito ang kaunaunahang aklat na nailathala sa Pilipinas. Ito ang pagkakasulat sa aklat na yaon:
ANG ABA GUINOO MARIA
"Aba, guinoo Maria matoua cana, napopono ca nang gracia, ang panginoon dios, ae, nasayyo. Bucod cang pinagpala sa babying lahat. Pinagpala naman ang y yong anac na si Jesus. Santa Maria yna nang dios, ypanalangin mo cami macasalanan ngaion at cun mamatai cami. Amen Jesus."5
Ang mga nagsalin ng panalanging Aba, Ginoong Maria ay mga Kastila. Sila ay gumamit ng mga salitang Tagalog na ginagamit noong mga panahong iyon. Ito ang dahilan kung bakit ang Pasiong Mahal na unang nailathalala noong 1884 ay may ‘Panalangin ng Taong Kristiano kay Ginoong Santa Maria.’6 Maliwanag na ang pagtawag sa Mahal na Birhen ng ‘Ginoo’ ay bahagi na ng ating panitikang panrelihiyon at nakasanayan na ng mga naghahalihaliling salinlahi sa Katagalugan.
Huwag nating kakalimutan na nagbabago ang wika sa pagtagal ng panahon sapagka’t ito nga ay ‘buhay.’ Sa katotohanan, maging ang wikang Filipino ay lumalago at pinagyayaman ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas (1987) na nagsasaad:
"The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages."7
Magbalik tanaw tayo sa kasaysayan. Isinalin ng mga Kastila ang Aba, Ginoong Maria (Dios te salve, Maria) sa wikang Tagalog. Kanilang ginamit ang mga salitang umiiral noong siglong iyon. Ginamit nila ang salitang ‘Ginoo’ tanda ng paggalang sa Mahal na Birhen. Ayon sa mga dalubhasa sa wikang Tagalog, ang Ginoo ay may mas malalim na kahulugan. Ang salitang ‘Ginoo’ ay ginagamit sa pagtukoy sa isang lalaki o babaing may karangalan. Ang ating pambansang bayaning si Gat Jose Protacio Mercado Rizal Alonzo y Realonda na isang taal na Tagalog mula sa Calamba, Laguna ay sumulat ng Sa Mga Kababayang Dalaga ng Malolos na ganito ang kanyang tinuran:
"Pukawin ninyo ang sigla at sipag, maginoong asal, mahal na pakiramdam at huag isuko ang pagkadalaga sa isang mahina at kuyuming puso."8
Malinaw na para sa pambansang bayani, ang maginoong asal ay hindi lamang para sa mga lalaki bagkus ay marapat din para sa mga babae. Sa madaling sabi, ang mga babae ay dapat na mga maginoo rin. Ang sulat ni Dr. Jose Rizal sa mga dalaga ng Malolos, Bulacan9 ay hindi lingid sa kaalaman ng mga mag-aaral sa mataas na paaralan at kolehiyo sapagkat ito ay isinasama sa mga babasahing itinatakda ng mga guro sa asignaturang Ang Buhay, mga Gawa at mga Sinulat ni Rizal na bahagi ng kurikulum sa ating mga paaralan. Lumalabas na ang tunay na kahulugan ng ‘Ginoo’ ay marangal o ikinararangal, maging lalaki man o babae.
Ayon sa Tagalog-English Dictionary ni Leo James English, ang isa sa ibig sabihin ng ‘ginoo’ ay “a title of respect or honor.”10 Ang ‘maginoo’ naman ay kasinhulugan ng “marangal, mapitagan, magalang at mapagbigay.”11 Gayundin sa Vicassan’s Pilipino-English Dictionary, ang maginoo ay kasinhulugan ng ‘marangal.’12
Samantala, ayon naman sa UP Diksyonaryong Filipino ng Surian ng Wikang Filipino, ang ‘maginoo’ (pangngalan) ay isang “tao na magalang, matapat, at may mabuting kalooban.”13 Ito rin ay isang “taguring pamitagan sa isang tao.”14 Maalala natin na ang salitang ‘maginoo’ ay hango sa unlaping ‘ma’ at sa salitang ugat na ‘ginoo.’
Ang The Filipino Filipino with English Dictionary ay nagsasaad na ang ‘maginoo’ [ginoo] ay ang “sinumang nagtataglay ng ugaling matapat sa kanyang sinasabi” at ito rin ay “taguring pamitagan sa isang tao, ng marangal niyang lipi o angkang pinagbuhatan at ayon pa rin sa taas ng karunungan kanyang pinag-aralan at tinataglay.”15
Malinaw na sa pasimula ang ginoo (o maginoo) ay ginagamit na patungkol sa mga taong mararangal, maging lalaki man o babae. Hindi nagbago ang kahulugan nito sa kasalukuyan ayon sa mga talatinigang Tagalog bagamat mas angkop na gamitin ito na patungkol sa mga lalaki ngayong makabagong panahon. Hindi dapat kaligtaan ang katotohanang bago pa man nagkaroon ng talatinigan ang wikang Tagalog o maging ng wikang Pilipino (na ngayon ay tinatawag na “Filipino”) ay naisulat na at nailathala ang Aba, Ginoong Maria noong taong 1593. Lalung-lalo na, wala pang mga nagsisipagsulputang sekta nang magkaroon ng Aba, Ginoong Maria.
May mga tumututol din sa pagtawag kay Maria na Ginoo sapagkat anila ang ibig sabihin ng ‘Ginoo’ sa salitang Bisaya ay ‘Panginoon.’ Tila baga wala sa katinuan ang pagpunang ito. Magkaibang-magkaiba ang balarila ng Tagalog at Bisaya kaya hindi dapat na gamitin ang panuntunan ng isa para sa isa. Hindi dapat paghambingin ang duhat sa durian. Tulad ng ang Tagalog lamang ay may “opo” sa halip na “oo,” gayundin namang ang Tagalog lamang ang gumagamit ng Ginoo sa pagtukoy sa Mahal na Birhen. Ito ang sariling kagandahan ng wikang Tagalog.
Hindi rin tumpak na sabihing labag sa Banal na Kasulatan na tawagin ang isang babae na ‘panginoon.’16 Sa katunayan, sa Genesis 16:8-9, si Sarai ay tinawag na ‘panginoon’:
"At sinabi, Agar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling? At saan ka paroroon? At kanyang sinabi, Ako’y tumatakas mula sa harap ni Sarai na aking panginoon.
At sinabi sa kanya ng angel ng Panginoon, Magbalik ka sa iyong panginoon, at pahinuhod ka sa kaniyang mga kamay."
Sa kabilang dako, ang Mahal na Birhen ay tinawag na ‘hari’ sa panalanging Aba po, Santa Mariang Hari. Mali diumano ang pagtawag kay Birheng Maria ng ‘hari’ bagkus ang dapat diumanong itawag sa kaniya ay ‘reyna’ sapagkat siya ay babae. Ngunit, kung papalitan natin ang Aba po, Santa Mariang Hari ng Aba po, Santa Mariang Reyna ay hindi pa rin ito dadasalin ng mga Protestante’t mga pundamentalista. Hindi rin kasi nila matanggap na si Maria, ang ina ng Hari ng mga Hari, ay isang reyna.
Mahihinuha natin sa kasaysayan ng Pilipinas na tayo ay may dati nang lipunang patriyarkal. Ito marahil ang dahilan kung bakit wala tayong katumbas sa Tagalog ng salitang ‘reyna.’ Ang reyna po ay hindi galing sa katutubong wikang Tagalog ngunit ito po ay hango sa wikang Kastilang reyna na siyang asawa ng hari (rey) o dili kaya’y ang babaeng pinuno ng kaharian (halimbawa, ang reyna regente kung wala pa sa hustong gulang ang prinsipeng kahalili ng hari). Dahil sa kawalan ng katumbas na salita sa reyna ay ginamit ng mga Kastila ang salitang hari sa halip na reyna sa panalanging Salve Regina (Hail, Holy Queen). Kaya nga, sa Doctrina Christiana, ganito ang pagkakasulat:
ANG ABAPO
"Aba po sancta Mariang hari yna nang aua, ycao ang y quinabubuhai namin, at ang pinananaligan. Aba ycao nga ang tinatauag namin pinapa panao na tauo anac ni Eva, ycao din ang ypinagbubuntun hininga namin nang amin pagtangis dini sa lupa baian cahapishapis. Ay aba pintacasi namin, ylingon mo sa amin ang mata mong maauain. At saca cun matapos yering pagpapanao sa amin. Ypaquita mo sa amin ang yyong anac si Jesus. Ay Sancta Maria maauain, maalam, virgen naman totoo, yna nang Dios. Cami ypanalangin mo, nang mapatoloi sa amin ang panga ngaco ni Jesuchristo. Amen Jesus."17
Sa Pasiong Mahal, mayroon ding panalangin sa Mahal na Birhen na kung saan siya ay tinawag na hari: “At ikaw, Birheng Maria, Ina’t hari ng awa ka.”18 Malinaw na hindi magkakamali ang mga Tagalog na mag-aakalang si Maria ay lalaki bagama’t siya ay tinawag na hari sapagkat siya ay isang ina.
Sa Ang Biblia,19 ang isang babaeng nagngangalang Athalia ay sinasabing naghari sa Israel. Hindi binabanggit na siya ay nagreyna. Pansinin na ang salitang ‘naghari’ ay ang pinagdugtong na unlaping ‘nag’ at salitang ugat na ‘hari.’ Sa 2 Hari 11:3 at 2 Cronica 22:12 ganito ang ating mababasa:
"At siya’y nakakubling kasama niya sa bahay ng Panginoon na anim na taon: at si Athalia ay naghari sa lupain."
Sa mas makabagong salin ng Magandang Balita Biblia (Tagalog Popular Edition) ay ganito ang ating mababasa:
"Pagkatapos, dinala niya ito sa bahay ni Yahweh at doon itinagong anim na taon habang si Atalia ang naghahari sa lupain" (2 Hari 11:3, MBB).
Sa mga talatang ating nabasa, walang ni isa man ang nagsabing si Athalia ay “nagreyna” o “nagrereyna” sa lupain ng Israel.
Anupa’t sa wikang Tagalog ang salitang “royal” ay isinasalin na “makahari” bagamat hindi lamang ang mga lalaki ang may dugong bughaw kundi maging ang mga babae rin naman. Kaya nga sa 1 Pedro 2:9 ganito ang ating mababasa:
"Datapuwa’t kayo’y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote [royal priesthood], bansang banal, bayang pagaaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan."
Ayon naman sa makabagong edisyon ng The Filipino Filipino with English Dictionary ang ‘hari’ ay ang “pinakamataas na puno ng bansa na may malawak na kapangyarihan sa mga nasasakupan.”20 Malinaw na ang ‘hari’ maari ring pantawag sa isang babae.
Bilang panghuling salita, ang may-akda ay mariing tumututol sa pagbabago ng mga panalanging Aba, Ginoong Maria at Aba po, Santa Mariang Hari. Ang mga ito ay bahagi na ng kasaysayan ng ating pananampalatayang Pilipino at nakatala na rin sa panitikang panrelihiyon na ating nakamulatan at nakalakhan. Papayag lamang ang inyong lingkod na palitan ang mga panalanging ito kung ang mga nagmumungkahing mga Protestante’t kaanib ng iba’t ibang sekta ng relihiyon ay sasama sa ating mga Katoliko sa pagdarasal, pagbibigay-galang, pagtatanghal, pagdedebosyon at pagmamahal sa Mahal na Inang Birheng Maria, ang ina ni Hesus at ina nating lahat.
Magsipagtupad nawa lahat ng mga Kristiano sa hula ni Maria na siya’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi (Lk. 1:48).
* Ang kapatid na Marwil N. Llasos (lalong kilala sa tawag na “Bro. Mars”) ay ang dating Pangulo ng Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Filipino (KAMAFIL) ng Dalubhasaan ng Sining at Agham, Pamantasan ng Bicol, 1992-1993. Siya’y naging guro sa kolehiyo noong 1996-1998 na kung saan siya’y nagturo ng Agham Panlipunan, Kasaysayan ng Pilipinas at Rizal Course (Rizal’s Life, Works and Writings). Nagtapos siya ng abogasya sa Dalubhasaan ng Batas sa Unibersidad ng Pilipinas noong 2003. Siya ay Pangulo ng Anno Domini Foundation, kasapi ng Defensores Fidei Foundation at naging lingguhang tagapagturo ng St. Peter’s Men Society na pawang mga samahang layko na tagapagtanggol at tagapaghatanod ng ating pananampalatayang Katoliko. Siya ay nahirang at naatasan bilang laykong mangangaral ng Obispo ng Novaliches, Lungsod ng Quezon.
1 Sinipi sa sanaysay na Aba, Ginoong Maria, The Knight of the Immaculata, Vol. VII, No.1 (Enero-Pebrero 1990) 26.
2 “Aba, Ginoong Maria,” The Knight of the Immaculata, Vol. VII, No.1 (Enero-Pebrero 1990) 26.
3 Ibid.
4 “Doctrina Christiana, en lengua española y tagala, corregida por los Religiosos de las Ordenes. Impresa con licensia, en S. Gabriel, de la orden de S. Domingo. En Manila, 1593.”
5 Ito ay halaw sa Tagalog na teksto ayon sa bersiyon ng Kastila.
6 Awit at Salaysay ng Pasiong Mahal (1884) 205.
7 Par. 1, Sec. 6, Art. XIV, 1987 Constitution.
8 Jose P. Rizal, Sa Mga Kababayang Dalaga ng Malolos, Nilo S. Ocampo, ed., Si Rizal at ang Wikang Tagalog (Quezon City: UP Press, 2002) 526.
9 Ang lalawigan ng Bulacan ay nasa hilaga ng Kalakhang Maynila. Hanggang sa panahong kasalukuyan, ang mga Bulakeño ay kilala sa pagiging matatas sa pagsasalita ng wikang Tagalog.
10 Leo James English, CSsR., Tagalog-English Dictionary (Manila: National Book Store, 1986) 534.
11 Ibid, 535.
12 Vicassan’s Pilipino-English Dictionary Abridged edition (Manila: Anvil, 2006) 274.
13 Virgilio S. Almario, ed., UP Diksyonaryong Filipino (Quezon City: Surian ng Wikang Filipino, 2001) 532.
14 Ibid.
15 The Filipino Filipino with English Dictionary (Hong Kong: Encleare Foundation, 2007) 334.
16 Sa salitang Bikol, ang Aba, Ginoong Maria ay Tara, Cagurangnan Maria. Ang cagurangnan sa Bicol ay nangangahulugang ‘panginoon’ ngunit inilapat ito patungkol sa Mahal na Birhen sapagkat walang katumbas na pambabae sa salitang Bikol ang cagurangnan. Ang salitang señora (lady) ay Kastila na siyang pambabaeng katumbas ng “señor” (lord). Ang Bikol ay may sariling kakanyahan (gaya ng Tagalog) na wala sa ibang wika. Halimbawa, ang mga Bikolano lamang ang nagsasabing “Dios mabalos” sa halip na “salamat” at “Dios marhay na aldaw” sa halip na “magandang umaga.” Pansinin na laging bukambibig ng mga Bikolano ang salitang “Dios” maging sa pagbati.
17 Ito ay halaw sa Tagalog na teksto ayon sa bersiyon ng Kastila.
18 Awit at Salaysay ng Pasiong Mahal (1884) 4.
19 Ayon sa Paunang Salita ng Ang Biblia-King James Version Tagalog-English Diglot (Philippine Bible Society: Manila, 1995):
Ang Ang Biblia ay lumang salin ng Bibliang tagalong sa salita at istilo ng klasikong wikang Tagalog. Ito ay pormal na salin na sumasalamin sa mga katangian ng wikang Hebreo at Griyego ayon sa mga bahagi ng pananalita, kaayusan ng pangungusap, pagkakasunud-sunod ng salita, at haba ng mga pangungusap. Ang salin ay ibinatay sa American Standard Version (ASV) ng Biblia na inilathala noong 1901.
Ang kumpletong Bagong Tipan ng Ang Biblia ay inilahala noong 1902 sa ilalim ng pamamahala ng American Bible Society (ABS) at ng British and Foreign Bible Societies (BFSBS). Ang kumpletong Biblia ay inilathala noong 1905. Ito ay unang binago noong 1915, at isa pang pagbabago ay ginawa noong 1933 sa ilalim ng PBS.
Ayon sa tala, ang Ang Biblia ay 23 ulit nang inilimbag mula noong 1981, na pagpapakita na ang saling ito ay higit na ninanais ng marami lalo na ang mga konserbatibong gumagamit ng Biblia.
20 The Filipino Filipino with English Dictionary (Hong Kong: Encleare Foundation, 2007) 161.
Source: 'Aba Ginoong Maria! Aba po Santa Mariang Hari!'
"et cognoscetis veritatem et veritas liberabit vos..."(Jn.VIII:XXXII)
To post some basic knowledge about the Catholic Faith...
Et ego dico tibi, quia tu es Petrus, et super hanc petram ædificabo Ecclesiam meam, et portæ inferi non prævalebunt adversus eam. 19 Et tibi dabo claves regni cælorum. Et quodcumque ligaveris super terram, erit ligatum et in cælis : et quodcumque solveris super terram, erit solutum et in cælis.(Mat.XVI:XVIII-XIX)
Prayer Before Reading Our Blog
Come Holy SpiritCome Holy Spirit, fill the hearts of your faithful and kindle in them the fire of your love.
V. Send forth your Spirit and they shall be created.
R. And You shall renew the face of the earth.
O, God, who by the light of the Holy Spirit, did instruct the hearts of the faithful, grant that by the same Holy Spirit we may be truly wise and ever enjoy His consolations, Through Christ Our Lord, Amen.
Prayer for Enlightenment
O Holy Spirit, divine Spirit of light and love, I consecrate to Thee my understanding, my heart and my will, my whole being for time and for eternity. May my understanding be always obedient to Thy heavenly inspirations and the teachings of the holy Catholic Church, of which Thou art the infallible Guide; may my heart be ever inflamed with love of God and of my neighbor; may my will be ever conformed to the divine will, and may my whole life be a faithful following of the life and virtues of Our Lord and Savior Jesus Christ, to whom with the Father and Thee be honor and glory for ever. Amen.
V. Send forth your Spirit and they shall be created.
R. And You shall renew the face of the earth.
O, God, who by the light of the Holy Spirit, did instruct the hearts of the faithful, grant that by the same Holy Spirit we may be truly wise and ever enjoy His consolations, Through Christ Our Lord, Amen.
Prayer for Enlightenment
O Holy Spirit, divine Spirit of light and love, I consecrate to Thee my understanding, my heart and my will, my whole being for time and for eternity. May my understanding be always obedient to Thy heavenly inspirations and the teachings of the holy Catholic Church, of which Thou art the infallible Guide; may my heart be ever inflamed with love of God and of my neighbor; may my will be ever conformed to the divine will, and may my whole life be a faithful following of the life and virtues of Our Lord and Savior Jesus Christ, to whom with the Father and Thee be honor and glory for ever. Amen.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
napakagaling ng pagpapaliwanag kapatid!
ReplyDeleteNope the explanation above is not from me but from Bro Marwil Llasos..
ReplyDeleteI just post it here in my blog to spread what is true...^_^
thank you for reading this blog...
Deus te benedicat!.
Salamat sa pag post malaking tulong to :)
ReplyDeleteGuzma Mitch
ReplyDeleteehehehehehe!!..Actually It's a re-posted post from Bro. Marwil...
If you want more about the Catholic Faith just follow the link below....