Prayer Before Reading Our Blog

Come Holy SpiritCome Holy Spirit, fill the hearts of your faithful and kindle in them the fire of your love.


V. Send forth your Spirit and they shall be created.


R. And You shall renew the face of the earth.


O, God, who by the light of the Holy Spirit, did instruct the hearts of the faithful, grant that by the same Holy Spirit we may be truly wise and ever enjoy His consolations, Through Christ Our Lord, Amen.


Prayer for Enlightenment

O Holy Spirit, divine Spirit of light and love, I consecrate to Thee my understanding, my heart and my will, my whole being for time and for eternity. May my understanding be always obedient to Thy heavenly inspirations and the teachings of the holy Catholic Church, of which Thou art the infallible Guide; may my heart be ever inflamed with love of God and of my neighbor; may my will be ever conformed to the divine will, and may my whole life be a faithful following of the life and virtues of Our Lord and Savior Jesus Christ, to whom with the Father and Thee be honor and glory for ever. Amen.




Wednesday, October 10, 2012

December 25 Proven



The Nativity scene: An Orthodox Icon

Ang artikulong ito ay ang mas bagong bersyon ng mga naunang naisulat ko tungkol sa December 25 bilang petsa ng Pasko


December 25 isinilang si Kristo:
AYON SA BIBLIA, KASAYSAYAN, SIYENSIYA

LIBONG taon nang ipinagdiriwang ng mga Kristiyano ang pagsilang ng Panginoong Hesus tuwing December 25 pero mayroong mga nagtatanong kung saan mababasa ang paniniwalang ito.

Sa pagdaan kasi ng panahon ay marami na ang mga limitaw para pagdudahan ang paniniwala tungkol diyan. Marami na rin ang gumawa ng sarili nilang paliwanag kung kailan isinilang at nagkatawang tao ang Diyos.
Bilang Katolikong nagtatanggol sa pananampalatayang Diyos mismo ang nagbigay sa tao, sinaliksik ko ang bagay na ito.

At sa aking pagsasaliksik ay natuklasan ko na matatag ang batayan na December 25 isinilang ang Kristo.

Iyan ay may ebidensiyang nakabatay sa Bible, sa kasaysayan, at sa siyensiya.

Unahin nating tingnan ang sinasabi ng kasaysayan.

Patotoo ng Kasaysayan

Sa pagitan ng 171 AD at 183 AD, isang obispong Kristiyano, si Theophilus ng Caesaria (Palestina), ang nagsabi na si Hesus ay isinilang ng December 25.

Sabi niya, “We ought to celebrate the birth day of our Lord on what day soever the 25th of December shall happen." (Magdeburgenses, Cent. 2. c. 6. Hospinian, de orign Festorum Christianorum)
Sunod diyan, noong 220 AD ay sinabi ni Hippolytus — isang Kristiyano na nabuhay sa pagitan ng 165 AD at 235 AD — na si HESUS ay ipinanganak noong December 25.

Dalawa iyan sa mga sinaunang patotoo na noon pa man ay kinilala na ang December 25.

Opisyal na talaan

Magandang pansinin na ang mga isinulat nina Theophilus at Hippolytus ay bago pa kilalanin at gawing legal sa Emperyo Romano ang Kristiyanismo.

Matapos na kilalanin at gawing legal ng Emperyong Romano ang Kristiyanismo noong 313 AD, isang koleksyon ng mga petsa at kapistahan ang naipon at nagawa noong 354 AD.

Sa koleksyon ng mga petsa na iyan ay may mga listahan ng mga kapistahan na ipinagdiriwang ng mga Kristiyano sa Roma.

Ang dalawang listahan na iyan ay ang Deposito Martyrum, o listahan ng mga kapistahan ng mga martir kay Kristo, at ang Depositio Episcoporum na naglalaman ng mga kapistahan na ipinagdiwang ng mga unang Kristiyano.

Ayon sa mga listahan na iyan, noon pa man ang kapistahan ng kapanganakan ni Hesus ay tuwing December 25.

Ibang Petsa?

May mga magsasabi na noon ding unang panahon ay may iba pang petsa na kinilala bilang araw ng kapanganakan ni Hesus.

May nagsabi na January 6 ang petsa at mayroon din namang naniwala na Mayo o Oktubre o Nobyembre ang petsa.

Pero iyan po ay noong mga unang taon ng Kristiyanismo na hindi pa talaga napag-uusapan o nabibigyan ng pansin kung kailan ang tamang petsa kung kailan isinilang si Kristo.

Isa sa dahilan ng iba’t-ibang petsa at hindi pag-uusap tungkol diyan (at sa marami pang bagay ukol sa pananampalataya) ay dahil illegal pa nga noon maging Kristiyano.

Kristiyano Inuusig

Dapat nating maunawaan na inuusig at pinapatay ang mga unang Kristiyano kaya hindi pa napagtuunan ng pansin ang mga bagay tulad ng petsa ng kapanganakan ng Panginoon.

Napag-usapan lang talaga ang mga bagay na iyan noong hipuin ng Diyos ang puso ng emperador na si Constantino at hinayaan na ni Constantino na makilala at lumaganap ang Kristiyanismo sa kanyang nasasakupan.

At diyan na nga nakapagpulong nang maayos at malaya ang mga Kristiyano para pag-usapan ang mga tulad ng petsa ng kapanganakan ng Tagapagligtas.

Hindi nga nagtagal ay kinilala na ng nakararami ang December 25 bilang araw kung kailan isinilang ang Kristo.

Tutol pa rin

Pero meron pa ring tutol sa December 25 at nagsasabi na iyan daw ay kapistahan ng diyus-diyosan na si Mithras.

Ang December 25 din daw ay kapistahan ng Sol Invictus, o kapistahan ng Araw, ayon sa paniniwala ng mga paganong Romano. At diyan daw kinuha ang petsa ng kapanganakan ni Hesus.

Sinasabi ng mga tutol na ipinalit lang ng Simbahang Katoliko ang kaarawan ng Kristo sa mga pistang pagano.

Sorry pero mali sila.

Ang kapistahan ng Sol Invictus tuwing December 25 bilang opisyal na ritwal ng paganong Roma ay noon lang 275 AD sinimulan ni Emperador Aurelian.

Kung babalikan natin ang mga naunang pahayag ukol sa petsa ng kapanganakan ni Hesus ay makikita natin na noon pang 183 AD (Theophilus) at 220 AD (Hippolytus) ay paniniwala na iyan ng mga Kristiyano.

Pagano Gaya-Gaya

Sa madaling salita, bago pa ipagdiwang ng mga pagano ang Sol Invictus ay kinilala na ng mga Kristiyano ang December 25 bilang birthday ni Hesus.

So, puwede pa nating sabihin na ang mga pagano ang nanggaya sa petsa na December 25 at hindi ang mga Kristiyano.

Kung kukuwentahin natin ay 92 taon pa bago sinimulan ang pista ng mga pagano na Sol Invictus ay may nasulat nang nagpapatunay na December 25 isinilang si Kristo.

So, mali po talaga at walang batayan ang sinasabi ng iba na ang Pasko tuwing December ay pista talaga ng mga pagano.

Biblical basis

Ngayon, kung titingnan natin ang Biblical basis ng December 25 ay makikita natin na unang siglo pa lang ay iyan na ang alam ng mga Kristiyano.

Sa madaling salita, higit na mas maaga pang kinilala ng mga Kristiyano ang December 25 kaysa ng mga pagano.

Ang batayan natin ay ang Ebanghelyong isinulat ni Luke kung saan inisa-isa ang mga pangyayari bago ang kapanganakan ni Hesus.

Sinimulan ni Lukas ang kuwento nang magpakita ang anghel na si Gabriel sa pari na si Zacarias habang ang huli ay nagsusunog ng insenso sa loob ng templo. (Luke 1:5-20)

Ang pagsusunog ng insenso ay ginagawa sa loob ng “Holy of Holies,” o ang Kabanal-banalang Lugar, ng templo ng mga Hudyo.

Ayon sa Bible, isang beses lang sa isang taon puwedeng pumasok ang sino man sa Holy of Holies. At ito ay sa tuwing "Day of Atonement," Araw ng Pagtitika. (Leviticus 16:33-34)
Tishri 10

Sa Lev 16:29 ay tinutukoy ang araw na ito sa ika-10 araw ng buwan ng Tishri, ang ika-pitong buwan ng kalendaryong pang-relihiyon ng mga Hudyo. (Sa kalendaryong sibil ng mga Hudyo, ang Tishri ay unang buwan)

Ang Tishri 10 ay maaring pumatak sa pagitan ng September 1 at October 5 ng kalendaryong gamit ng mga unang Kristiyano, ang Julian Calendar.

Kaugnay sa pagsunog ni Zacarias ng insenso sa templo, tinataya na nangyari ito sa pagitan ng 6BC at 1BC. Sa mga taong ito, ang Tishri 10 ay tumapat sa mga sumusunod na petsa ng kalendaryong Romano:

Tishri 10, 3756 = September 22, 6BC (Mierkules)
Tishri 10, 3757 = September 11, 5BC (Lunes)
Tishri 10, 3758 = October        1, 4BC (Lunes)
Tishri 10, 3759 = September 19, 3BC (Huwebes)
Tishri 10, 3760 = September   8, 2BC (Lunes)
Tishri 10, 3761 = September 27, 1BC (Lunes)

Sa mga iyan—maliban sa Tishri 10, 3758 at 3761—masusuportahan ang paniniwala na ipinaglihi si John the Baptist sa huling bahagi ng September, partikular sa September 25.

Makikita natin ang kahalagahan ng September 25 sa pagpapatuloy ng ating pagtalakay.

Si Elisabet

Sabi ng Bibliya, matapos ng pagsisilbi ni Zacarias sa templo ay umuwi na siya at saka “nagdalantao si Elisabet.”

Sa Lk 1:26 ay sinasabi, “Sa ikaanim na buwan (ng pagbubuntis ni Elisabet), ipinadala ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazareth, sa isang birhen na nakatakdang ikasal sa isang lalaki na ang pangalan ay Jose ng angkan ni David. Ang pangalan ng birhen ay Maria.”

Ang Maria na iyan ay ang ina ni Hesus.

Ang paghahayag sa magiging pagsilang ni Hesus ay tinatawag ng Iglesia Katolika na Annunciation, o ang paghahayag ng magiging pagsilang kay Hesus, ang “Anak ng Kataas-taasan.” (Lk 1:31-35)

Ika-anim na buwan

Dahil September 25 ipinaglihi si John the Baptist, bibilangin natin ang anim na buwan hanggang sa nagpakita ang Anghel na si Gabriel sa Birheng Maria ayon sa Luke 1:26. Ang petsa ay papatak sa March 25, ang unang araw ng pagbubuntis ni Maria.

Mula sa March 25 ay bibilang tayo ng siyam na buwan (ang panahon ng pagbubuntis ng isang babae) para matukoy natin ang araw ng kapanganakan ni Hesus. At ito ay sa December 25.

So, batay sa ulat ni Lukas at sa ebidensiyang bigay ng Bibliya ay malinaw na si Kristo ay ipinanganak ng December 25.

Mapagkakatiwalaan ba?

Ang tanong: Mapagkakatiwalaan ba natin ang ulat ni Luke?

Kung naniniwala tayo sa Bibliya ay magtitiwala tayo. Bakit?

Dahil sabi niya sa Luke 1:3-4, "Matapos kong suriin nang buong ingat ang mga pangyayari ... ako man ay nagpasya na isulat ito para sa iyo ... para makita mo ang katiyakan ng mga itinuro sa iyo.”
Hindi lang po pala nag-ulat si Luke. Siya ay nagsuri nang “buong ingat” at nakita niyang tiyak ang mga bagay na sinabi niya sa atin.

So, iyan po ang malinaw na Biblical basis na December 25 isinilang si Hesus.

Scientific proof

Tiyak na mayroong nagtatanong kung paano natin natiyak na pumapatak sa huling bahagi ng September ang Tishri 10 sa Lk 1:8-9?

Diyan natin ipapasok ang scientific na patunay na December 25 ipinanganak si Hesus.

Ang scientific na paraan na iyan ay sa paggamit natin ng calendar converter kung saan matutukoy natin ang magkakatumbas na petsa sa iba’t-ibang uri ng kalendaryo.

Ang ginamit natin ay ang calendar converter na nasa website na: http://www.abdicate.net/cal.aspx

Kung pupunta tayo sa website na iyan ay makikita natin na may iba’t-ibang espasyo para makuha ang katumbas na petsa sa mga kalendaryong “Jewish,” “Gregorian,” at “Julian.”

Kung may petsa sa “Jewish” calendar na gustong malaman ang katumbas sa “Gregorian” at “Julian” ay ita-type lang ang “Day,” “Month” at “Year” na gusto nating suriin at saka pipindutin ang button na “Jewish” na nasa kanan.

Julian Calendar

Sa ating pagtalakay ay ang Julian Calendar ang ating gagamitin. Ito kasi ang kalendaryong gamit ng mga unang Kristiyano hanggang 1582, kung kailan sinimulan nang gamitin ang Gregorian Calendar.

Ngayon, paano natin makikita na ang katumbas ng Tishri 10 sa Hebrew Calendar ay katumbas ng mga petsang ibinigay natin sa Julian Calendar?

Ganito.

Una, kailangang malaman natin ang taon kung kailan isinilang si Hesus.

Ideally, ang taon na iyan ay 1 AD, na ang ibig sabihin ay “Anno Domini,” o ang taon (Anno) ng Panginoon (Domini).

BC at AD

Nag-ugat iyan sa isang monghe, o monk, na si Dionysius Exiguus na mistulang tinukoy ang 1 AD nang sabihin niya na ang pamumuno ni Flavius Probus ay 525 taon “mula nang magkatawang tao ang ating Panginoong Hesu Kristo.”

May mga sumunod sa tantiya ni Exiguus kaya noong taon 731 ay ginamit ni Saint Bede ang “AD” sa kanyang panulat. Si Saint Bede din ang isa sa unang gumamit ng “BC” o “Before Christ.”

Ang pagkakaiba ng AD at BC ay dumadagdag ang bilang ng AD, samantalang pabawas ang bilang ng BC. Halimbawa, ang AD ay 1 AD, 2 AD, 3 AD, 4 AD, 5 AD etc. Ang BC ay paatras tulad ng 6 BC, 5 BC, 4 BC, 3 BC, 2 BC, 1 BC.

Sina Exiguus at Bede ay parehong gumamit ng Julian Calendar kaya iyan ang ginagamit nating batayan sa pagtukoy sa petsa ng pagsilang ng Panginoong Hesus.

Sa Pagitan ng 6 BC at 1 BC

Nitong mga nakaraang taon ay nadiskubre na mali ang tantiya ni Exiguus. Ayon sa mga researcher, hindi tama ang 1 AD bilang taon ng pagsilang kay Kristo.

Batay sa pagsusuri, naniniwala ang mga eksperto na ang pagsilang sa Panginoon ay sa pagitan ng 6 BC at 1 BC.

Tulad ng ipinakita natin sa itaas, apat sa anim na petsa sa pagitan ng 6 BC at 1BC ang pwedeng taon kung kailan nagpakita ang anghel kay Zacarias sa loob ng templo. Ibig sabihin, may apat na taon sa panahon na iyan na maaring doon isinilang si Kristo.

5 BC ‘Most Likely’

Sa sarili kong pagsusuri, nakita ko na malamang na noong December 25, 5 BC, isinilang  si Hesus.

Ibig sabihin, kung 5 BC isinilang si Hesus, ang tagpo sa Lk 1:8-9 ay nangyari sa sinusundang taon, o nung 6 BC.

Para makita kung suportado niyan ang December 25 ay gagamit tayo ang calendar converter, na sa pagkakataon ngang ito ay anghttp://www.abdicate.net/cal.aspx.

Dahil tiyak natin na Tishri 10 ang petsa noong maganap ang pagpasok ni Zacarias sa templo ayon sa Luke 1:8-9 ay hahanapin na lang natin ang katumbas na taon ng Tishri 10 na tatapat sa 6 BC sa Julian Calendar.

Para mabilis nating malaman iyan ay pumunta tayo sa hanay ng calendar converter na nakasulat ang “Julian.” I-type ang “25” sa ilalim ng “Day.” Piliin ang “September” sa hilera ng “Month.” At i-type ang “-6” sa ilalim ng “Year.” Saka pindutin ang button na “Julian” na nasa kanan.

Lalabas sa bandang itaas (puting bahagi ng screen) ang resulta ng mga katumbas na petsa sa “Gregorian,” “Julian,” at “Jewish” calendar.

Makikita natin na ang katumbas na taon ng “-6” o “6 BC” sa “Jewish” ay ang taon na “3756.”

Birthday ni Hesus noong 5 BC

Saka tayo babalik sa calendar converter at ita-type sa hilera ng “Jewish” ang “10” sa ilalim ng “Day.” Pipiliin natin ang “Tishrei” sa ilalim ng “Month” at ita-type ang “3756” sa ilalim ng “Year.” Saka pipindutin ang button na “Jewish” na nasa kanan.

Lalabas sa resulta ang katumbas na petsa ng Tishri 10, 3756, sa kalendaryong “Julian.” At iyan ay September 22, 6 B.C., araw ng Mierkules.

Ibig sabihin ay Mierkules nagpakita ang anghel kay Zacarias.

Sabi sa Luke 1:23, umuwi si Zacarias matapos ang mga araw ng paglilingkod sa templo. At dahil isang linggo (Linggo hanggang Sabado) ang paglilingkod ng mga pari sa templo, makauuwi lang si Zacarias sa darating na Sabado. Iyon ay noong Tishri 13, 3756, o September 25, 6 BC, ang mismong araw ng paglilihi ni Elisabet kay John the Baptist.

Tungo sa December 25

So, eksaktong September 25, 6 BC, ay umuwi si Zacarias at noon din nagbuntis ang asawa niyang si Elisabet.

Muli, sinasabi sa Luke 1:26 na sa ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Elizabeth ay inanunsyo ni Anghel Gabriel ang pagbubuntis ni Maria.

Kung bibilangin natin ang anim na buwan mula sa September 25, 6 BC, ay darating tayo sa March 25, 5 BC (Nisan 17, 3756)

At kung bibilangin natin ang siyam na buwan ng pagbubuntis ni Maria ay makikita natin nanganak siya noong December 25, 5 BC. Iyan ay Tevet 25, 3757 sa kalendaryong Hebreo.

So, kahit gamitan ng siyensiya at calendar converter ay malinaw nating makikita na ang kaarawan ng Panginoong Hesus ay December 25.

Matibay na Pruweba
At diyan natin makikita na saan man daanin ang pagkukwenta: sa kasaysayan man, sa Bibliya o siyensiya, ay lilitaw na December 25 ipinanganak ang Panginoong Hesus.

Katunayan, nagsusuportahan ang mga iyan sa pagpapakita na isinilang ang Kristo sa petsang December 25.

Sa madaling salita, ang Bibliya, ang kasaysayan at ang siyensiya ay nagbibigay ng iisa at matibay na pruweba na tama ang paniniwalang Katoliko kaugnay sa December 25, ang tamang petsa ng Pasko.

No comments:

Post a Comment